by Heidi Anicete
Kaninang umaga, tumuloy na ang Soul Siren na si Nina sa Regional Trial Court para personal na ihapag ang estafa case na isinasampa niya laban sa dati niyang boyfriend na si Nyoy Volante. Sinuong na raw ni Nina ang final resort na ito dahil hanggang ngayon ay wala pa rin silang confirmation na may balak magbayad sa kanya si Nyoy at ang pamilya niya. Nasa 1.1 million pa raw ang halaga ng utang ng pamilya ni Nyoy kay Nina, at wala siyang balak palampasin ito dahil para sa kanya ay hard-earned money ang perang ito.
Pagbabayad lamang daw nila ang pinaka resolusyon ng problemang ito. Ayon nga sa kanya, hindi naman niya ginusto na humantong sa sampahan ng kaso ang sitwasyon nila. Katulad nga raw ng naunang plano, sa pagitan ng usapan ng mga ina nila ay maaaring maayos na ang problema; ngunit, nang nag-umpisa nang magkagulo at pinutol na ng mga ito ang komunikasyon sa pagitan nila, wala na silang ibang choice kundi idaan sa husgado ang lahat para mapilitan silang makipag-ugnayan sa kanila.
Ang ikinasama pa ng loob ng dalaga patungkol sa sitwasyong kinapapalooban nila ni Nyoy ay ang tila hindi magandang relasyon sa pagitan nila ngayon. Matapos raw kasi ang interview ni Nyoy na inere sa SNN noong April 22, na siya ring sinundan ng panig ni Nina na sa ‘di sinasadyang bahagyang sumalungat sa sinabi niya, nag-iwan raw si Nyoy ng hindi nakakatuwang mensahe sa Facebook account ni Nina. Tila hindi niya ikinatuwa ang naging resulta ng nasabing balita. Sa nasabing mensahe, naglabas raw ito ng sama ng loob laban sa kanya. Base sa mensahe nito sa kanya, iginigiit nito na sana’y nakipag-usap muna ito sa kanya bago naghapag ng ganoong klaseng panayam. “I am not the one who needs an explanation,” reaksyon naman ng dalaga sa hindi inasahang mensahe. Para sa kanya, pinaunlakan lamang niya ang nasabing interview para kahit papaano’y maiparating sa kanya ang pakiusap nito na magbayad na siya para sana hindi na humantong sa sitwasyon ngayon. Ang inaasahan na lang ni Nina sa kasalukuyan ay makipag-usap na ang abugado nila Nyoy sa abugado nila para tuluyan nang matapos ang kaso.
source: abs-cbn.com
0 comments:
Post a Comment